PAF, HANDANG TUMUGON SA MGA SAKUNA AT KALAMIDAD

Submitted by AFPAO on Sun, 01/19/2020 - 14:46

Nakahandang tumugon ang Philippine Air Force sa mga sakuna o insidente na maaring mangyari sa komunidad sa pamamagitan ng Basa Air Base Disaster Response Task Unit o DRTU katuwang ang 355th Aviation Engineer Wing o AEW.

Ito’y matapos magsagawa ng inspeksyon ang mga nasabing Unit noong Enero 14, 2020 sa 5th Fighter Wing Grandstand, Basa Air Base, Pampanga.

Ayon kay 1LT ANGEL JOHN GALBAN, Team Leader ng 355th AEW DRTU, ang paghahandang ito ay kaakibat ng kanilang misyon na makapagbigay ng mabilis na aksyon sa panahon ng sakuna o kalamidad tulad ng kasalukuyang sitwasyon sa mga naapektuhan dulot ng pagputok ng bulkang Taal.

Matatandaan na malaki ang kontribusyon ng nasabing Unit sa naging search and recovery operation sa gumuhong gusali ng Chuzon Supermarket sa bayan ng Porac, Pampanga pagkatapos ang 6.2 magnitude na lindol na tumama sa Luzon noong Abril 22, 2019.

Bukod dito nagsagawa ng rescue operation ang DRTU Team sa gumuhong paaralan sa Brgy. Benedicto, Floridablanca, Pampanga noong Nobyembre 15, 2019.

Ito ay isa lamang sa maraming serbisyong ibinabahagi ng Air Force sa pamamagitan ng mga Unit nito na may sapat na kaalaman at kasanayan sa pagresponde sa mga mamamayan sa anumang sitwasyon.

(AW2C Eleonor Bacanto 355th AEW)