|
AFP |
ARMY |
NAVY |
PAF PUBLICATIONS |
|
|
opinyon ni Major |
|
Public Information Office, Headquarters Philippine Air Force Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City Telefax (632) 853-5023 local: 6629/6529 Email: pio@paf.mil.ph & paf_pio@yahoo.com
DATE: 29 October, 2009 MAJ GERARDO M ZAMUDIO JR Director, PIO |
|
|
|
27 October 2009 COLUMN ON GUMAPAC ELEMENTARY SCHOOL
PAANO NA KUNG WALANG MGA GURO?
Noong nakaraang weekend, napanood ko ang episode ng Maalaala Mo Kaya” (MMK) sa ABS-CBN Channel 2, na nakasentro sa Gumapac Elementary School kung saan ay ipinakita ang kalagayan ng paaralan at ng mga guro at mag-aaral doon. Medyo nagulat ako na ang isang kuwentong pinanood ko sa telebisyon ay nakaapekto sa akin, isang bagay na hindi madalas mangyari. Siyempre, may kasabihang “lalaki ito.” Dagdag pa diyan ang pagiging sundalo ko, kaya dapat hindi bumigay ang emosyon. Pero ang kuwentong ito ay talagang nakakuha ng atensiyon ko at naka-touch sa akin. At natitiyak ko na hindi lang ako ang nadala sa kuwento, kung hindi maging ang maraming iba pang tao, dito man sa ating bansa o sa ibayong dagat.
Hindi naman ako nagkamali dahil noong sumunod na Lunes ay may natanggap akong sulat na ipinadala sa aking opisina sa pamamagitan ng email, at ang nilalaman ay tungkol sa napanood kong MMK episode noong Sabado. Ang nasabing sulat ay galing kay Jennifer ng Alaska, USA. Sa email na iyon, ipinaabot niya kung paanong nadurong ang kanyang puso sa kuwento ng dalawang “batang guro” sa Gumapac Elementary School at sa kalagayan ng naturang paaralan na ipinalabas sa MMK. Sinabi rin ni Jennifer ang kanyang intensiyon na tumulong at magbigay ng donasyon sa mga guro at sa paaralan. Nakakatuwa hindi ba? Maraming salamat, Jennifer. Sana marami pang tulad mo ang tumulong sa Gumapac Elementary School.
Para po sa inyong kaalaman, nagsimula ang pagkakadiskubre sa kalagayan ng Gumapac Elementary School nang ang mga sundalong mag-aaral ng Non-Commissioned Officers School sa ilalim ng Air Education Training Command (AETC) ng Philippine Air Force, ay nagawi sa nasabing paaralan sa Tuy, Batangas, kung saan ay nakita nila ang dalawang matatalinong batang nagtuturo sa isang klase sa nasabing paaralan, dahil sa kakulangan ng teacher doon. Nakita rin nila ang abang kalagayan ng paaralan. Dahil dito, nag-ambag-ambag ang mga sundalo at ang halagang nakalap nila ay ibinigay nila bilang tulong sa nasabing paaralan.
Nang malaman ito ng Commander ng AETC during that time na si Maj. Gen. Rolando F. Capacia, na ngayon ay siyang aming Vice Commander sa Air Force, ay binigyan niya ng parangal ang dalawang “batang guro” mula sa Gumaca Elementary School. At bilang suporta, ang aking tanggapan naman, ang Public Information Office, ay gumawa ng feature story tungkol sa dalawang bata na nalathala sa front page ng Philippine Star at Business Mirror, at ganun din sa iba pang mga malalaking pahayagan at tabloids. Dahil sa pagkilalang iyon ng PAF naituon din ang pansin ng lokal na pamahalaan sa Gumaca Elementary School.
Gusto kong pasalamatan ang MMK dahil sa pagbibigay ng atensyon sa kuwento at sa magandang pagkakalahad ng istorya. Congratulations din dahil talagang naipakita nila tunay na sitwasyon at ang pagsisikap ng mga estudyante at mga guro upang makapag-aral. Dahil doon, tiyak na namulat ang kamalayan ng mga tao kung gaano kahalaga ang mga guro sa atin.
Kaya naman gusto ko pong bigyang diin ang aking pagpupugay at pagkilala sa mga guro sa buong bansa na patuloy na ginagampanan ang kanilang dakilang tungkulin sa ating mga kabataan na nagsisipag-aral pa. Isa po ako sa maraming taong kumikilala sa kadakilaan at rumirespeto sa mga teacher dahil sa kanilang paghubog sa karunungan ng kabataan, gayundin sa kanilang pag-ako ng responsibilidad na gabayan ang mga estudyanteng nasa kanilang pangangalaga.
Para sa akin, iba po ang kadakilaan at ang uri ng serbisyong ibinibigay ng mga teacher dahil sa aking nalalaman, tunay po ang kanilang pagkalinga sa kanilang mga estudyante. Alam ko rin na may mga guro, na bagama’t maliit ang kanilang kinikita, ay nagagawa pa nilang ibahagi ang kanilang suweldo sa pagbili ng pagkain at school supplies para sa kanilang estudyanteng higit na naghihikahos, gayundin para mabili ang mga kakulangang teaching paraphernalia. At sa susunod na taon, sila na naman ang muli nating aasahan sa eleksyon.
Sa kasalukuyan, medyo nagkukulang tayo sa mga guro, dahil may mga magulang na hindi pinapayagan ang kanilang anak na kumuha ng education course at dahil din sa paghahanap ng greener pasture ng iba pa, at siyempre ang katotohanan na talagang napakaraming mag-aaral ngayon dahil sa paglaki ng ating populasyon.
Naniniwala ako na hindi lahat ay puwedeng maging guro. It takes sincere interest, as well as real dedication to become one. Pero ayoko ring isipin na darating ang panahon na mauubusan tayo ng tagapaghubog at tagapaglinang sa kaisipan ng susunod na henerasyon. Hangad ko na maibigay nang lahat ang respeto at pagkilala sa ating mga guro, at sana ay higit pang mapaunlad ang kanilang mga benepisyo, nang sa gayon ay dumaming muli ang magka-interes na maging guro.
Naaalala pa ba ninyo ang mga dati ninyong guro? Nasaan na kaya sila? Kung sakali’t malaman ninyo kung nasaan ngayon ang naging tagapaghubog ng inyong talino, o kaya ay masumpungan ninyo sila saan mang lugar, huwag po ninyong kalimutang pasalamatan sila. At sa lahat ng aking mga naging guro, kung meron po sa inyo na nakakabasa nito, at natatandaan na ako ay naging estudyante ninyo, tanggapin ninyo ang aking tau-pusong pasasalamat at ang aking pagsaludo sa inyo!
|
|
|
|
|
|
| ....... |